Todo paliwanag ang Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM sa Senado kung bakit umabot ng ₱58,000 ang isang laptop para sa mga public school teacher sa halip na ₱32,000 lang kada unit.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, nagpaliwanag si PS-DBM Officer-in-Charge Sharon Baile sa naging desisyon ng ahensya sa pagbili ng laptops.
Aniya, noong bibili sila ng laptops noong nakaraang taon ay nagkaroon ng kakulangan ng chips para sa mga gadget dahilan kaya mas mahal ang laptop.
May mga itinakda ring requirements tulad ng tatlong taon at nationwide na onsite service support, dapat may pamalit sa depektibong laptop habang ito ay inaayos, security software at optimization software.
Katwiran ni Baile, ang regular na laptop ay wala ng mga nabanggit na features at kasama ang mga features na ito ng magpadala ang PS-DBM ng “request for quotation” sa mga laptop supplier.
Pinuna naman ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi naka-unbundle ang mga special feature na ito para sana alam kung magkano ang presyo ng mga dagdag na specifications.