Pinapa-imbestigahan ng ilang kongresista sa Kamara ang matinding landslide na nangyari sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro kung saan mahigit 50 na ang nasawi habang mahigit 60 pa ang nawawala.
Sa House resolution na inihain ng Makabayan Bloc, kanilang tinukoy na ang landslide ay resulta ng large-scale mining operations.
Diin ni House Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas, kaya mariing tinututulan ng environmentalists ang large-scale and open pit mining operations ay dahil mga malalaking negosyante lang ang kumikita habang ang mamamayan ang pumapasan ng mga epekto nito sa komunidad at kalikasan.
Sa hiwalay namang resolusyon na inihain nina ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, Davao de Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga at apat pang mga mambabatas ay kanilang iginiit na naiwasan sana ang insidente kung mahigpit na ipinatupad ang ‘No build zone’ o hindi hinayang tayuan ng tirahan ang lugar.
Kanila ring iginiit na dapat may mapanagot sa trahedya at repasuhin ang umiiral na batas na Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources.