
Pinagkokomento ng Korte Suprema ang ilang indibidwal na sinampahan ng indirect contempt dahil sa pagkokomento laban sa Kataas-taasang Hukuman.
Ito ay kaugnay sa naging desisyon ng SC na idineklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Naghain noong nakaraang linggo petisyon si Atty. Ferdinand Topacio laban kay Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon para sa indirect contempt.
Habang sina Atty. Mark Kristopher Tolentino at Atty. Rolex Suplico naman ang naghain laban kina Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at political analyst na si Prof. Richard Heydarian.
Ayon sa SC, may sampung araw ang mga ito para magkomento sa petisyong inihain laban sa kanila.
Tinawag ni Gadon na “tuta ng mga Duterte” ang Korte Suprema partikular umano si Chief Justice Alexander Gesmundo.
Ang Facebook post naman ni Heydarian ang naging dahilan ng paghahain ng indirect contempt laban sa kaniya matapos sabihin na 13 mula sa 15 mahistrado ang appointee ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Habang sinampahan din si Cendaña matapos tawaging “Supreme Coddler” ang SC.









