Las Piñas City Government, nakipagsundo na rin sa AstraZeneca para makakuha ng suplay ng COVID-19 vaccine

Nakipagkasundo na rin ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas sa kumpaniyang AstraZeneca para makakuha ng suplay ng bakuna kontra COVID-19.

Nasa 300,000 doses ng bakuna ang bibilhin ng Las Piñas Local Government Unit (LGU) para sa mga residente sa lungsod base sa ilalim ng vaccination program ng national government.

Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, inaasahang darating sa lungsod ang bakuna ng AstraZeneca sa buwan ng Hulyo ngayong taon na libre nilang ibibigay sa mga residente.


Aniya, sa ilalim ng kanilang vaccination program, uunahing bibigyan ng bakuna ang frontliners, medical at health care workers, mga pulis, senior citizens at mga mahihirap.

Matatandaan na naglaan ang Las Piñas City Government ng P200 milyon na pondo sa national government para sa karagdagang pagbili ng COVID-19 vaccines.

Sakaling kulangin, handa naman ang Las Piñas LGU na maglabas ng karagdagang pondo kung saan tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang local pharmaceutical company.

Facebook Comments