Muling nananawagan at hinihimok ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang mga magulang na ipalista na ang kanilang mga anak na nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Ito’y para sa gagawing “Bakunahan sa Kabataan” sa lungsod ng Las Piñas.
Sa datos ng City Health Office (CHO), nasa 9,188 na mga bata ang nagparehistro na para maturukan ng bakuna kontra COVID-19.
Gaganapin ang bakunahan para sa mga bata sa SM Center, Robinsons Place at sa The Tent para maging komportable ang mga ito habang kasama ang kanilang mga magulang.
Pero plano ng Las Piñas Local Government Unit (LGU) na dagdagan pa ang mga lugar ng pagbabakuna lalo na’t nasa 79,000 ang populasyon ng mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang sa kanilang lungsod.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Imelda Aguilar sa Las Piñas School Division para tumulong sa pagpaparehistro ng mga bata na may edad 5 hanggang 11 taong gulang dahil karamihan sa mga ito ay kanilang estudyante.
Umaasa ang alkalde na mas dadami pang mga bata ang magpaparehistro upang magkaroon sila ng proteksyon kontra COVID-19.