Las Piñas City, napanatili ang mababang bilang ng kaso ng COVID-19 sa loob ng anim na araw

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na ang pagsasagawa nila ng expanded targeted testing ang isa sa mga naging dahilan kung bakit nananatiling mababa ang bilang ng nasasawing mga residente dahil sa COVID-19.

Sa isang pahayag ni Las Piñas City Mayor Mel Aguilar, bukod sa nananatiling mababa ang bilang ng nasawi, dumadami naman ang mga nakakarekober kung saan ang kanilang lungsod ang kauna-unahang nagsagawa ng mass testing noong kalagitnaan ng buwan ng Abril.

Base sa datos ng Las Piñas City Health Office, anim na araw ng nananatili sa 43 ang bilang ng mga nasawi sa lungsod at umaangat naman sa 450 ang nakarekober sa sakit.


Aabot naman sa 856 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 at 363 dito ang active cases.

Ayon sa Alkalde, una nilang isinailalim sa pagsusuri ang mga residente nagpapakita ng sintomas, mga health worker, mga senior citizen at mga indibidwal na may travel history sa lugar kung saan may COVID-19.

Sunod nilang sinuri ang mga residenteng asymptomatic na nakasalamuha ang mga COVID-19 positive, mga tauhan ng City Hall, tricycle drivers at ibang frontliners tulad ng mga otoridad kasama na ang mga guro.

Naniniwala si Aguilar na ang agarang pagtukoy sa mga indibidwal na nahawaan o mayroon virus ang isa rin paraan para mapigilan ang paglaganap ng sakit.

Sa ngayon, patuloy ang pagsasagawa ng pagsusuri ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas sa mga residente nito at handa silang umalalay at tumugon sa pangangailangang pangkalusugan ng mga magkakaroon ng sakit lalo na sa panahon ngayon ng krisis.

Facebook Comments