Mas lalo pang hinigpitan ng Las Piñas City Police District ang ginagawa nilang pagbabantay sa bawat border ng lungsod sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.
Dahil dito, bahagyang nagsisikip ang daloy ng trapiko dahil isa-isa nilang sinusuri ang mga ID ng bawat indibidwal partikular ang mga nakasakay sa motorsiklo.
Nabatid kasi na ang ilang bahagi ng kalsada sa lungsod ng Las Piñas ang dinaraan ng mga naka-motorsiklo para makapunta sa Bacoor, Parañaque at Muntinlupa.
Ang mga walang bitbit na ID’s, quarantine pass o kaya ay certificate of employment ay pinababalik ng mga otoridad kung saan hindi muna nila ito hinuhuli at binibigyan lang ng babala.
Inihayag pa ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na mananatili sa oras na 10:00pm hanggang 4:00am ang curfew sa buong lungsod at pinapayuhan nila ang mga residente na manatili na lamang sa loob ng kanilang tahanan kung wala namang gagawin sa labas.