Tinanggihan ni Las Piñas Rep. Camille Villar ang posisyon na ibinigay sa kanya bilang House Deputy Speaker sa ilalim ng liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Sa kanyang liham kay Speaker Velasco ay nagpasalamat ito sa kanyang nominasyon at nagpaliwanag na ang pagiging sensitibo, katapatan sa kaalyado at mga kaibigan ay isang responsibilidad din sa kanilang constituents.
Sinabi ni Villar na magandang pagkakataon ngayon para maka-trabaho ang mga kapwa kongresista at mga lider ng Kamara sa pagbalangkas ng mga batas na makatutulong sa mga tao sa gitna ng kalamidad at pandemya.
Tiniyak naman ng kongresista na kahit tinanggihan niya ang posisyon ay katuwang naman siya sa mga adhikain ng liderato ng Kamara at susuportahan ang legislative agenda ng Kongreso.
Umaasa ang mambabatas na agad mababasa sa plenaryo at mailalagay sa records ng Kapulungan ang kanyang pagtanggi sa posisyon.
Si Villar ay miyembro ng Nacionalista Party, ang partido ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.