Monday, February 16, 2026

Lasing na lalaki, arestado matapos mabangga ang ilang nakaparadang sasakyan sa Quezon City

Arestado ang isang lalaki matapos na masangkot sa insidente ng pagbangga sa ilang nakaparadang sasakyan sa kahabaan ng Tomas Morato St., Kamuning, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing St. Delgado ang suspek na kinilala sa alyas ‘Eugene’ papuntang Kamuning Road nang biglang lumihis ito pakaliwa at tinumbok ang ilang mga sasakyang naka-park sa harap ng isang convenience store.

Hindi bababa sa tatlong sasakyan ang nadamay sa nangyaring insidente.

Napag-alaman sa imbestigasyon na naka-inom pala ang suspek kung saan nasa 123 percent ang blood alcohol content nito matapos sumailalim sa field sobriety at breathalyzer tests.

Bukod pa rito, natagpuang nakakabit sa sasakyan ni alyas ‘Eugene’ ang iligal na blinker at sirena.

Dahil dito, mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property, paglabag sa Presidential Decree No. 96 o ang unlawful use or attachment of sirens or flashing lights, at Sec. 5 of R.A. 10586 Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Facebook Comments