LASING NA LALAKI, ARESTADO MATAPOS UMANONG SAKTAN ANG BAYAW NITO SA ALAMINOS CITY

Arestado ang isang 47 anyos na seafarer matapos umano niyang saktan ang kanyang bayaw at makuhanan ng baril at mga bala sa loob ng kanilang tahanan dakong 9:20 ng gabi, Nobyembre 23, 2025 sa Alaminos City.

Ayon sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima na isang 45-anyos na tricycle driver nang tawagin siya ng kanyang kapatid, 45 anyos, na nagrereklamo na ang kanyang lasing na asawa ay nagwawala sa kanilang bahay. Ipinagbigay-alam muna ng biktima sa Barangay Kagawad ang insidente bago siya umuwi.

Habang nagpapahinga, sinabihan naman siya ng kanyang asawa na muling nag-aaway ang kanyang kapatid at ang suspek, at may hawak umano itong baril. Agad na nagtungo ang biktima sa bahay ng mag-asawa upang awatin sila, ngunit bigla siyang sinuntok ng suspek.

Mabilis na iniulat ang pangyayari sa mga tauhan ng Alaminos City Police Station (CPS) na noon ay nagsasagawa ng checkpoint sa Brgy. Cabatuan. Agad silang rumesponde at nakarekober ang isang Caliber .45 Kimber Raptor II pistol, tatlong magazine para sa Caliber .45 pistol at dalawampu’t apat (24) na piraso ng buhay na bala.

Dinala sa Alaminos CPS ang suspek kasama ang nakumpiskang baril at mga ammunition para sa wastong disposisyon at pagsasampa ng mga kasong Physical Injury at Paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments