Lasing na Lalaki, Sugatan Matapos Pagtulungang Saksakin ng Mag-ama!

Cauayan City, Isabela- Nagpapagaling sa pagamutan ang isang lalaki matapos na pagtulungang saksakin sa Brgy. Maura, Aparri, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Jessie Daluddung, 24 anyos, pintor, binata habang ang mag-amang suspek ay nakilalang sina Roldan Daluddung, 37 anyos, traysikel drayber at France Daluddung, 17 anyos, grade 12 student na pawang mga residente ng barangay Maura.

Kasama din sa mga suspek ang nagngangalang si Noah Gorospe, 34 anyos, welder at residente naman ng Brgy San Antonio sa naturang bayan.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang nasa impluwensya ng alak ang biktima ay nagtungo ito sa harapan ng bahay ni Roldan Daluddung.

Kinompronta at hinampas ng steelpipe ng biktima ang misis ng suspek dahil sa inaakusahan umano siya nito na nambabato sa kanilang bahay hanggang sa nagkaroon na sila ng mainitang pagtatalo.

Dito na lumapit ang mag-ama na kasalukuyang nakikipag-inuman kay Noah at pinagtulungang saksakin sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima gamit ang isang patalim.

Agad namang nadala sa pinakamalapit na pagamutan habang matagaumpay namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek.

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon at sila’y mahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

Facebook Comments