LATE AT NO REGISTRATION NG ILANG RESIDENTE SA INFANTA, TARGET MASOLUSYONAN NGAYONG 2026

Target makamit sa bayan ng Infanta na may kaukulang rehistro o birth certificate ang bawat residente, dahilan ng renewal ng kasunduan ng lokal na pamahalaan sa Philippine Statistics Authority upang ipatupad ang Birth Registration Assistance Project hanggang sa mga malalayong barangay ngayong taon.

Tinalakay sa ginanap na Committee Hearing ng Sangguniang Bayan kahapon, Enero 28, ang mga salik o dahilan kung bakit may ilang residente na nananatiling walang rehistro o may late registration, sa kabila ng paglipas ng maraming taon mula sa kanilang kapanganakan.

Ayon sa Municipal Civil Registry, sa nagdaang taon ay may kabuuang 254 indibidwal ang dumulog sa kanilang tanggapan dahil sa problema sa rehistro. Sa bilang na ito, 101 ang agad na naresolba matapos matukoy na sila ay nakarehistro pala sa ibang bayan o lugar.

Gayunpaman, naging kwestyonable para sa ilang miyembro ng Sanggunian ang patuloy na pagdami ng kaso ng no registration at late registration, lalo na kung epektibo ang mga programang ipinatutupad upang masolusyunan ito.

Bagama’t inaprubahan ang mungkahing renewal ng kasunduan, iginiit ang pangangailangang magsagawa ng aktwal na paglilibot ang kinauukulang tanggapan sa mga barangay. Layunin nito ang pagkakaroon ng mas maayos at kumpletong census o datos ng mga residenteng wala pang rehistro, sa halip na matukoy lamang ang problema kapag may agarang pangangailangan na.

Binigyang-diin na mahalagang dokumento ang birth registration sa iba’t ibang transaksyon tulad ng enrollment sa paaralan at paghahanap ng trabaho, kaya’t mainam na maagap na maresolba ang suliraning ito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments