Hiniling ng mga kongresista na kasapi ng Makabayan bloc sa House Committee on Agriculture and Food na imbestigahan ang lawak ng epekto ng El Niño phenomenon sa ating bansa.
Ang hirit na pagdinig ay nakapaloob sa House Resolution 1627 na inihain nina Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Rep. Raoul Manuel.
Sa isinusulong na imbestigasyon ay target na makatukoy ang nararapat na lehislasyon o aksyon para matugunan ang mga idinulot na problema ng El Niño lalo na ang perwisyo nito sa mahigit 23,000 mga magsasaka at mangingisda gayundin sa lokal na produksyon ng mga pagkain.
Tinukoy sa resolusyon ang report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na pumalo na sa higit P1 billion ang pinsalang dulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura kung saan umaabot na sa halos 18,000 na ektarya ng mga pananim ang apektado.