Lawak ng oil spill ng MT Terranova, ipinasisiyasat ng Senado

Pinaiimbestigahan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang lawak ng oil spill na sanhi ng lumubog na MT Terranova sa karagatan ng Limay, Bataan.

Sa pinakahuling ulat ay umabot na ang oil spill sa mga baybayin ng kalapit na probinsya sa Bataan kabilang na ang Cavite.

Inihain ni Tolentino ang Senate Resolution 1084 kung saan inaatasan ang Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change na magsagawa ng pagsisiyasat sa trahedya sa karagatan.


Bubusisiin sa pagdinig ang pinakasanhi ng oil spill, aalamin din ang mga paraan kung papaano mababawasan ang negatibong epekto nito sa karagatan at magrerekomenda rin ng mga polisiya upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.

Tinukoy ni Tolentino na sa kanilang lalawigan sa Cavite ay umabot na ang oil spill sa mga coastal areas ng Bacoor, Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, at Ternate.

Binigyang-diin pa ng mambabatas ang kahalagahan na maaksyunan ito agad dahil seryosong banta ang oil spill sa ating marine ecosystem, sa coastal communities at sa kabuhayan ng mga residenteng nakatira sa Bataan, Cavite, Nasugbu sa Batangas at sa Bulacan.

Facebook Comments