Kinalampag ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na resolbahin agad ang mga reklamo hinggil sa pag-i-isnab at pangongontrata ng mga taxi drivers.
Ito ay kasunod na rin ng mga reklamo ng mga pasahero sa mga social media sa gitna ng holiday rush.
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, dapat magkaroon ng track record ang LTFRB sa mga reklamo upang makagawa agad ng aksyon laban sa mga taxi drivers na paulit-ulit na inirereklamo at mapatawag agad ang mga operator nito.
Binigyang-diin kasi ni Inton na masyadong matagal at mabagal kasi ang LTFRB sa pagpataw ng parusa sa mga isnaberong taxi driver.
Dagdag pa ni Inton, ngayong holiday rush ay dapat magpakalat ng mga tauhan ang LTFRB at makipag-ugnayan sa mga local government units (LGU’s) upang mabantayan ang mga taxi driver sa mga mall, terminal at iba pang matataong lugar.
Kasunod nito, tiniyak ni Inton na handa ang kaniyang samahan na tulungan ang mga pasahero na nabibiktima ng mga isnabero at nangongontratang taxi driver.