Umapela ang grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa Metro Manila Council (MMC) na gawing alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw ang curfew hour sa National Capital Region (NCR).
Sa interview ng RMN Manila kay LCSP Founder Atty. Ariel Inton, ipinaliwanag niya na marami nang pumapasok sa trabaho ng alas-4:00 ng madaling araw kaya tiyak na mahihirapan ang mga commuter kung alas-5:00 ng umaga pa sila aalis ng kanilang mga bahay.
Punto ni Inton, posibleng hindi maipatupad ang ilang health protocols sa pagdagsa ng mga commuter sa mga terminal kung alas-5:00 ng umaga pa ang tapos ng curfew.
Bagamat exempted aniya sa curfew ang mga Authorized Person Outside of Residence (APOR) tulad ng medical frontliners, essential workers, delivery riders, street sweepers at iba pa, pahirapan naman ang kanilang pagbiyahe dahil wala silang masakyan sa madaling araw.