Isinagawa ang pagpupulong ng Local Development Council (LDC) kahapon, Setyembre 30, na ginanap sa isang mall sa Lucao District, upang talakayin at aprubahan ang mga pangunahing proyekto at badyet na makaaapekto sa kaunlaran ng lungsod.
Kabilang sa mga tinalakay ang 5% CDRRMF Projects para sa 2025 at 2026, Supplemental Annual Investment Program at Budget No. 2 para sa 2025, at ang Proposed Annual Investment Program at Budget para sa 2026.
Layunin ng pulong na tiyaking ang pondo ng lungsod ay nakatuon sa mga programang may direktang benepisyo sa mga mamamayan.
Ayon naman sa ilang Dagupeño, inaasahan nilang maging mas maayos at epektibo ang mga proyektong tutugon sa problema ng pagbaha sa lungsod.
Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa Sangguniang Panlungsod, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, barangay officials, civil society organizations, at local media.
Ang pulong ay bahagi ng patuloy na pagsisikap para sa isang mas ligtas, mas matatag, at mas maunlad na Dagupan.
Facebook Comments









