Hindi naitago ng international singer na si Lea Salonga ang labis na pagkadismaya at galit sa mga nagaganap ngayon sa Pilipinas.
Umani ng halos 10,000 reactions ang maikli pero malutong na murang binitiwan ng mang-aawit sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Hunyo 15.
“Dear Pilipinas, p***** ina, ang hirap mong mahalin,” saad ng personalidad na tila nadala ng matinding bugso ng damdamin.
Maliban dito, sinabi din niya sa isang hiwalay na post na “I hate this year. I really, really hate this year.”
Hindi man idinetalye ng award-winning Broadway aktres kung bakit siya nag-post ng ganoon, naniniwala ang ilang netizen na may kinalaman ito sa sunud-sunod na dagok na kinakaharap ngayon ng bansa.
Komento ng ibang tao, napapanahon ang mensahe ni Salonga sa hatol ng hukuman laban kay Rappler CEO Maria Ressa para sa kasong cyberlibel, ang pinag-uusapang anti-terrorism bill, at tigil-operasyon ng ABS-CBN Broadcasting Corporation.
Sumagot naman ang Constitutional Reforms advocate na si Orion Perez na “sobrang bulok kasi ng sistema sa Pilipinas,” na tinugunan ni Salonga.
Paglilinaw niya, hindi siya lubhang nagtitiwala sa lahat ng nababasa at nakikita “even if and when the sources are supposed to be those in which we should be able to have unquestionable trust.
Dagdag pa ng The Voice coach, nandiyan din umano ang “sense of fear that if anyone pisses off the wrong guy, one can get shot in broad daylight.”
Ilan sa mga kapwa-artista na sumuporta sa hinanakit ni Salonga ay sina Michael de Mesa, Iza Calzado, at direktor na si Mark Reyes