Pormal na sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang dating opisyal ng Department of Health (DOH) at health expert na si Dr. Thony Leachon.
Ito ay kasunod ng alegasyong ibinunyag ni Dr. Leachon na umano’y sangkot sa pyramiding scheme na nagbibigay ng pera at luxury items ang isang pharmaceutical company kapalit ng pagrereseta ng partikular na brand name ng mga gamot.
Ang naghain ng reklamo sa NBI Anti-Cyber Crime Unit ay si Atty. Joseph Vincent Go, ang Corporate Secretary ng Bell-Kenz Pharma Inc.
Batay sa complaints affidavit ni Atty. Go, labis umanong nakaapekto sa reputasyon ng Bell Kenz Pharma ang mga mapanirang pahayag ni Dr. Leachon.
Dahil dito ay agad na ipinag-utos ni NBI Director Mendardo de Lemos sa Anti-Cyber Crime Unit ang isang imbestigasyon.