Makati City – Nagsimula na ang inaabangang pagtitipon at pagsama-sama ng mga miyembro, partners at stakeholders ng League of Corporate Foundations o LCF sa bansa ngayon taon, ang LCF EXPO 2023.
Kasalukuyang ginaganap sa LCF EXPO 2023 sa Makati Diamond Residences Hotel mula July 4, 2023 hanggang July 7, 2023 na dinaluhan ng mga delegado mula sa mga miyembro, partner at CSR practitioner in-person at online hybrid.
Ang LCF EXPO ay taunang ginaganap ng League of Corporate Foundations members at CSR practitioners na layuning maipamalas at magbahagi ng mga best practice at kaalaman ukol sa Corporate Social Responsibility engagement at management ng bawat business entity.
Ayon kay Mr. Sebastian Quiniones, Chairman ng League of Corporate Foundations at Executive Director ng Pilipinas Shell Foundation, ang aktibidad ay may temang “Extra to Essential”, na bukod sa pagsunod sa mga batas, ay ang ganap na pagsasagisag ng prinsipyo ng good corporate citizenship sa pamamagitan ng accountable governance, transparency at accountability. Dagdag pa niya, mahalagang ipatupad ang mga ito ng maayos sa lahat ng aspekto ng mga programa ng bawat organisasyon.
Tinatalakay din sa LCF EXPO 2023 ng mga speaker mula sa iba’t ibang private at public sectors ang kahalagahan at mga posibleng oportunidad sa pagpapatupad ng Environment, Social and Governance o ESG structure and reporting sa bawat business entity higit sa mga Corporate Social Responsibility organization.
Bukod sa conferences, aabangan din ang CSR Guild Awards at CSR exhibit na gaganapin sa mga susunod na araw bago matapos ang LCF EXPO 2023.
Ang League of Corporate Foundations ay isang malaking network na kinabibilangan ng siyamnapu’t tatlong (93) corporate foundation at korporasyon sa bansa.
Para sa iba pang impormasyon, bisitahin lang ang www.lcf.org.ph
Patrick Aurelio
RMN Foundation
Makati City