League of Provinces of the Philippines, nais ipadaan sa provincial government, imbes na sa mga lungsod at munisipalidad ang pagbili ng COVID-19 vaccine

Handa na rin ang pondo ng provincial government para sa pagbili ng anti-COVID-19 vaccine.

Sa interview ng RMN Manila kay League of Provinces of the Philippines (LPP) President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., kinumpirma nito na may nakalaan nang pondo ang ilang lalawigan na may kakayahan sa pagbili ng bakuna at kinakailangan na lamang na magkaroon ng tripartite agreement.

Kasabay nito, hiniling ni Velasco sa national government na imbes na sa mga lungsod at munipasilidad, sa provincial government na lang idaan ang kasunduan sa pagbili ng bakuna upang maiwasan ang kalituhan.


Ipinanukala rin ng gobernador sa national government na ang piliing bakuna ay ang ginagamit na ng mga bansang may bagong variant ng COVID-19 para matiyak ang bisa nito.

Giit ni Velasco, kailangang maging choosy ang Local Government Units (LGU) lalo na kung sarili nilang pondo ang gagamitin sa pagbili ng COVID-19 vaccine.

Sa ngayon ay nasa 61 na lungsod na sa bansa ang pumirma ng kasunduan sa mga manufacturers ng COVID-19 vaccine, iba pa sa supply na ibibigay ng national government.

Kabilang sa mga lungsod na ito ay ang Baguio, Caloocan, Iloilo, Makati, Mandaluyong, Manila, Navotas, Pasig, Quezon, San Juan, Taguig, Valenzuela, at Viga.

Facebook Comments