Umapela ang League of Provinces of the Philippines (LPP) ng sapat na panahon para makasabay sa target ng national government na mapabilis ang COVID-19 vaccination sa bansa.
Ito ay makaraang punahin ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center Chairperson Myrna Cabotaje ang kawalan ng ‘sense of urgency’ ng ilang local government unit (LGU) sa pagbabakuna.
Katwiran ni LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., maraming LGU ang nasanay na kaunting dose lamang ng bakuna ang kanilang natatanggap.
Aniya, may mga LGU ang naghahanap pa ng cold storage facilities at nagha-hire ng karagdagang vaccinators.
Habang may mga “low-rank” municipalities din ang walang sapat na resources para makapag-adjust agad.
Punto pa ni Velasco, hindi naman regular na nakakapagdala ng bakuna sa mga probinsya na nakakaapekto sa kanilang inoculation efforts.
Kaya panawagan niya sa national government, kumonsulta rin sa mga LGU hinggil sa pagbabakuna.