League of Provinces of the Philippines, umapela sa planong pagbawi ng DOH sa ilang COVID-19 vaccines sa probinsya

Umapela ang League of Provinces of the Philipines (LPP) sa plano ng Department of Health (DOH) na bawiin ang ilang COVID-19 vaccines na dinala sa mga probinsya para mabakunahan ang mas maraming frontliners sa Metro Manila.

Ayon kay LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., limitado lamang ang mga vaccine supply sa mga probinsya kaya’t mahihirapan kung kukunin pa ang mga ito.

Aniya, gusto rin maabot ng bawat probinsya ang inaasam na herd immunity kaya nais din nila ng
mas maraming bakuna.


Dagdag pa ni Velasco, dapat munang isangguni ng pamahalaan ang kanilang desisyon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan kung papayag ba ang mga ito na ibalik ang COVID-19 vaccines.

Samantala, nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi babawiin kundi hihiramin lamang ang mga bakuna para gamitin sa mga ospital sa Metro Manila na may mataas na bilang ng COVID-19 patients.

Paliwanag ni Duque, nakatanggap siya ng report na may ilang ospital sa probinsya na kakaunti lamang ang nagagamit na bakuna at masasayang lamang ito kung aabutan ng expiration.

Facebook Comments