Learner support aides’ sa mga low-risk areas, isinusulong ni Senator Gatchalian

Suportado ni Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang balak ng Department of Education (DepEd) na tumanggap ng serbisyo ng mga ‘learner support aides’ para sa pagpapatupad ng distance learning.

Inihambing ni Gatchalian ang konseptong ito sa ‘learning pods’ na pagtitipon-tipon ng mga mag-aaral na hindi lalagpas sa sampu na may hangaring mapanatili ang pisikal na inter-aksyon na nakasanayan na ng mga bata dahil marami sa kanila ang hindi makatagal sa ilang oras na klase sa pamamagitan ng internet.

Naging popular ang learning pods sa Estados Unidos dahil hirap ang maraming magulang na tutukan ang kanilang mga anak para sa distance learning.


Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, malapit na nilang matapos ang guidelines para sa pagtanggap ng mga learner support aides, kabilang na ang mga tutor, upang masuportahan ang mga magulang na hindi kayang gabayan ang kanilang anak habang nag-aaral sa bahay.

Sinabi ni Gatchalian, pwede nang ipatupad ang pagpapadala ng learner support aides sa pagbubukas ng klase para sa mga estudyanteng nasa ‘low-risk areas’ o 400 munisipalidad na walang aktibong kaso ng COVID-19.

Paalala lang ni Gatchalian sa DepEd, siguruhin na ang mga tutor at learner support aides ay susunod sa mga health standards laban sa COVID-19.

Facebook Comments