Sa gitna ng krisis sa COVID-19, malaki rin ang pagbabagong ipatutupad ng Department of Education (DepEd) sa K-to-12 Curriculum ng mga estudyante sa darating na pasukan.
Ayon kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, halos 60% ng learning competencies o mga kaalamang dapat matutunan ng mga bata ang inalis nila sa curriculum.
Mula sa orihinal na 14,000 learning competencies, pinili nila ang “most essential learning competencies” na umabot na lang sa 5,000.
Pero pagtitiyak ni Malaluan, hindi naman ito makakaapekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Paliwanag niya, noon pa man ay ipinag-utos na ni DepEd Secretary Leonor Briones ang pagre-review sa curriculum matapos makita na may mga learning competencies ang redundant o nag-o-overlap.
Samantala, pinawi rin ng DepEd ang pangamba ng mga magulang na maubusan ng slot ang kanilang mga anak na hindi makakalahok sa Remote Enrollment process ngayong buwan.
Ayon kay Malaluan, hindi “first come, first serve” basis ang isinasagawang enrollment ng ahensya sa mga pampublikong paaralan para School Year 2020-2021.