Learning hubs ng OVP, bawal magsagawa ng in-person classes – DepEd

Iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi dapat ginagamit bilang lugar sa pagsasagawa ng in-person classes ang community learning hubs ng Office of the Vice President (OVP) at mga kaparehas nitong programa.

Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, hindi maaaring magsagawa ang mga ito ng limited face-to-face classes lalo na at ipinagbabawal pa rin ito ng pamahalaan.

Ang paggamit ng learning hubs ay dapat sumusunod sa umiiral na guidelines at protocols.


Sa pagkakaunawa ng DepEd, ang programa ni Vice President Leni Robredo ay layong matugunan ang connectivity at gadget limitations.

Paglilinaw ni Malaluan, nag-react lamang ang DepEd dahil ginagamit umano ang learning hubs para sa limited face-to-face classes na mariing ipinagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin din ni Malaluan, na walang partnership ang DepEd sa OVP o sa alinmang grupo sa pagsasagawa ng face-to-face classes.

Dagdag ni Malaluan, hindi naman ihihinto ng ahensya ang operasyon ng learning hubs.

Sa ngayon, isinasapinal pa nila ang kanilang rekomendasyon hinggil sa face-to-face classes na isusumite sa Pangulo.

Facebook Comments