Learning material na nagpapakita ng maling paglalarawan sa mga nurse, sumasailalim sa validation ng DepEd

Nagsasagawa na ng validation ang Department of Education (DepEd) matapos mag-viral ang isang litrato ng isang learning module na mali ang paglalarawan sa mga nurse.

Nakasaad kasi sa naturang learning material: “Ang nars ang katulong o kasama ng doctor” na umani ng batikos sa social media at inaakusahan ang DepEd na nilalait ang nasabing propesyon.

Ayon kay Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, sinisilip na nila ang nasabing module.


Hindi pa malinaw kung ginagamit ang learning materials o naaprubahan ng Central Office.

Bukod dito, wala pang katiyakan kung ang materyales ay bahagi ng isang self-learning module o isang supplementary o reference material.

Una nang iginiit ng DepEd na may mandato silang protektahan at isulong ang quality, equitable, culture-based at complete basic education na hindi pinapayagan ang anumang uri ng diskriminasyon.

Hinikayat ng kagawaran ang publiko na i-report sa kanila ang anumang isyu na makikita sa mga module o iba pang learning materials sa pamamagitan ng DepEd Error Watch.

Facebook Comments