Learning materials na mayroong gender stereotypes, hindi na dapat tinuturo sa mga estudyante – DepEd Official

Naniniwala ang isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na ang mga learning materials na naglalaman ng gender stereotypes ay dapat itama.

Ito ay matapos maging usap-usapan ng mga netizens ang ilang printed modules kung saan tinatanong ang mga estudyante na i-classify ang ‘role’ ng mga kalalakihan at kababaihan, tulad ng paghuhugas ng pinggan at paglilinis ng bahay.

Ang nasabing learning material ay para sa Grade 8 students at mula sa DepEd Central Visayas website partikular sa school division sa Negros Oriental.


Ayon kay Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, ang mga ganitong gender stereotypes ay ‘sinauna’ at ‘lipas na’ at mahalagang maiwasto ang nasabing learning materials.

“Kasama ‘yan sa kailangang ayusin kasi mali. Mga sinaunang panahon pa ‘yun na may mga gender stereotypes tayo,” sabi ni San Antonio.

Nais ng DepEd na palakasin ang diskusyon nito hinggil sa gender and development issues sa mga eskwelahan maging sa kanilang mga opisina.

“Kung ‘yan po ay nailabas, kailangan po ‘yan sabihin sa bata na hindi ‘yan aplikable sa mga inaaral ngayon. Yan ay mga content na dapat wala diyan,” ani San Antonio.

Una nang pinuna ng Gabriela ang paglalabas ng ganitong modules na naglalaman anila ng “sexist” at “misogynistic” lessons.

Facebook Comments