Muling tumaas ang lebel ng polusyon sa hangin sa Metro Manila kasabay ng pagpapagaan ng travel restrictions sa ilallim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ito ang lumabas sa pag-aaral ng Greenpeace at Centre for Research on Energy and Clean Air (CREA).
Batay sa Special Report on Managing Air Quality Beyond COVID-19, lumalabas na ang air pollution levels sa Kamaynilaan ay unti-unting tumataas mula nitong Mayo, kasabay ng muling pagsisimula ng operasyon ng mga industriya at pagtaas ng bilang ng mga sasakyan sa kalsada.
Mula March 15 hanggang May 15 ay malaki ang ibinagsak ng air pollutant concentrations.
Pero mula nang magsimula ang GCQ nitong June 1, muling bumalik ang smog.
Dalawa ang major air pollutants, ito ay ang fossil fuel combustion na tinatawag na nitrogen dioxide (NO2) at ang fine particulate matter (PM2.5) na posibleng magdulot ng respiratory at cardiovascular diseases.
Ang mataas na exposure sa air pollution ay nakakaapekto sa natural defenses ng katawan laban sa airborne viruses at tataas ang posibilidad na dapuan ng COVID-19.
Inirekomenda sa report na iprayoridad ang clean energy sources, green transportation options, at enhanced micro mobility sa mga lokalidad para mapanatili sa manageable levels ang air pollution.