Hindi pa nakikitang magdudulot ng water interruptions sa mga residente ang kasalukuyang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Division Manager Engr. Patrick Dizon, na ang water interruption activities ay dahil sa mga maintenance activities ng mga planta na kinakailangan ng water concessionaires upang mapaganda pa ang kanilang serbisyo.
Sinisikap ding isagawa ang mga pagkukumpuni sa gabi upang hindi ito gaanong maka-apekto sa mga customer.
Dagdag pa ni Dizon, maliban sa Angat Dam, magtatayo rin ng mga bagong plantang mapagkukunan ng tubig bilang paghahanda sa epekto ng El Nino.
Kabilang dito ang dalawang water treatment plants sa Muntinlupa City na kumukuha ng tubig sa Laguna de Bay at isa sa Pakil, Laguna na kayang mag-suplay ng kabuuang 220 million na litro ng tubig kada araw.