Binabantayan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang sitwasyon sa mga water reservoir partikular sa Angat Dam.
Ayon kay MWSS Department Manager Patrick Dizon na target nilang mapanatili ang normal high water level sa Angat Dam na isa sa pinakapinagkukuhanan ng tubig sa buong Metro Manila.
Paliwanag pa ni Dizon, unti-unti na kasing nadaragdagan at tumataas ang antas ng tubig sa Angat Dam bunsod ng mga pag-ulan na dala ng Bagyong Aghon.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA Weather Bureau, umakyat sa 179.94 meters ang water level sa nasabing dam mula sa 179.79 meters na naitala noong Mayo 27.
Kumpiyansa si Dizon na mabilis na makakabalik sa minimum operating level ang tubig sa Angat dahil sa mga pag-ulan na nakadagdag sa antas nito.
Nilinaw rin ni Dizon na hindi matutulad noong 2010 ang sitwasyon sa Angat Dam kung saan sumadsad ito sa critical level na 160 meters.
Aniya, malabong maulit sa critical level ang antas ng tubig sa nasabing dam dahil papasok na ang La Niña phenomenon at mga weather disturbances na makatutulong sa pag-angat ng tubig sa mga water reservoir.