CAUAYAN CITY- Malaking kawalan sa kita para sa mga negosyante ng Lechon ang kakulangan ng suplay ng baboy ngayong Holiday Season sa Lungsod ng Cauayan.
Ayon kay Ginang Shirley, isang lechon vendor sa lugar, nagsimula nang magkaubusan ng suplay ng baboy isang linggo bago mag-Pasko.
Isa sa mga dahilan ng kakulangan ay ang pagkasawi ng maraming alagang baboy dulot ng mga nagdaang bagyo na nakaapekto sa rehiyon.
Dahil dito, limitado na lamang ang kanilang produksyon, at apatnapung (40) order lamang ang kanilang natanggap para sa Bagong Taon. Dahil sa limitasyong ito, kinakailangan nilang tanggihan ang limampung (50) iba pang nais magpa-order.
Ang presyo ng kanilang lechon ay nagsisimula sa P8,500 para sa small size, P9,500 para sa medium size, at P11,500 para sa large size.
Bukod sa tinda nilang buong lechon ay mayroon din silang per kilo na nagkakahalaga ng P900, at rolled pork belly kung saan ang 5 kilo ay nasa P3,000.