Cauayan City, Isabela- Natanggap na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang bagong guidelines sa panuntunan ng muling pagbibigay ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan.
Ayon kay Ginang Jeaneth Lozano, tagapagsalita ng DSWD-RO2, sasaklawin ng bagong guidelines ang mga hindi nakatanggap ng ayuda mula sa 1st tranche o mga ‘left out’ families na kwalipikado naman subalit hindi lang napasama dahil sa naunang target na bilang ng mabibigyan sa bawat Local Government Unit.
Aniya, una nang nakapagbigay ng inisyal na bilang ng mga ‘left-out’ ang ilang mga LGUs na umabot sa 97,000 sa buong rehiyon habang 24,000 palang ang naisusubmit na pangalan sa kanilang ahensya.
Kaugnay nito, sa bagong guidelines ay posibleng makatanggap din ang ilang miyembro ng pamilya na humiwalay na sa roster ng kanilang magulang na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) subalit susuriin pa rin ang mga ito kung karapat-dapat na mapabilang sa ayuda.
Giit pa ni Lozano, sakaling mabatid na humiwalay na ang mga ito sa kanilang pamilya sa kadahilanang may kanya-kanya ng mga pamilya ay mapapabilang sila sa hiwalay na tatanggap ng tulong pinansyal.
Paliwanag pa ng opisyal, batay sa emergency subsidy ang sakop nito ay para sa buwan ng April-May subalit kinakailangan din aniya na ibigay sa higit na apektado ng krisis ang ayuda na ibibigay ng pamahalaan.
Hinihintay na lamang ng ahensya ang karagdagang listahan ng mga left-out families para sa pag-arangkada ng ayuda.