
“Dahil sa pamanang programa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay natupad na rin ang inyong pangarap na maangkin ang lupaing matagal na ninyong sinasaka.”
Pahayag ito ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo sa harap ng mga magsasakang benepisyaryo ng repormang agraryo sa Davao City na tumanggap ng mga titulo ng lupa at dokumentong nagpapatunay sa kanilang ganap na pagmamay-ari ng mga sakahan ngayong araw, Hulyo 24.
Kabilang ang kaganapan ngayong araw sa Davao City ng Regionwide Land Titles and COCROM Distribution sa Davao Region na layong ibigay ang mga titulo ng lupa sa mga magsasakang matagal nang sinasaka ang kanilang mga lupain na binigyang bisa sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act.
Bilang bahagi ng implementasyon ng naturang programa ay ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang Certificates of Land Ownership Award (CLOA) at Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) sa mga kwalipikadong magsasaka.
Ayon kay Lagdameo, layunin ng pamahalaan na gawing ganap na tagapagmay-ari ang mga magsasaka ng mga lupang matagal na nilang sinasaka.
Bilang kinatawan ni Pangulong Marcos ay dinaluhan niya ang naturang kaganapan kung saan sinabi niyang isa lamang ang programang ito sa mga inisyatibong isinasagawa ng pamahalaan upang suportahan ang pangangailangan ng mga magsasaka habang tinutugunan ng mga ito ang pangangailangan ng bansa sa masagana at masustansyang pagkain.
“Nais ng inyong pamahalaan na siguruhin na ang inyong mga pangangailangan ay natutugunan habang kayo naman ay tumutugon din sa pangangailangan ng ating bansa ng sapat at masustansiyang pagkain,” sabi ni Lagdameo.
Ayon pa sa kanya, ang pamamahagi ng mga titulo ay sinusuportahan ng iba pang mga programa mula sa DAR at Department of Agriculture (DA) tulad ng tulong pinansyal, suporta sa produksyon, at pagpapahusay sa kakayahan ng mga magsasaka upang mapataas ang kanilang ani at kita.
“Sa atin pong mga magsasaka, saludo po kami sa inyo. Nawa’y ang pagkakataong ito ay magbigay sa inyo ng panibagong lakas upang lalo pang palaguin ang inyong mga sakahan at patuloy na maging kaakibat sa pagpapaunlad ng ating bansa,” dagdag ni SAP.
Samantala, nagpasalamat din si Lagdameo kay DAR Secretary Conrado Estrella III dahil sa mabilis at epektibong pagpapatupad ng mga programa at batas na nakatutulong sa mga magsasaka. Bukod sa pamamahagi ng lupa, layunin din ng ahensiya na bigyan ng sapat na suporta ang mga benepisyaryo upang matugunan ang mga hamon sa sektor ng agrikultura.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang New Agrarian Emancipation Act noong Hulyo 7, 2023 dahilan upang maitulak ang opisyal nitong implementasyon sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas tulad ng Davao Region.
Ang batas ay resulta ng panawagan ni PBBM sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) noong 2022 kung saan hinikayat niya ang Kongreso na ipasa ang naturang panukala upang matulungan ang mga benepisyaryo nito na makaahon mula sa pagkakautang sa ilalim ng agrarian reform program.
Kaya naman naging ganap na batas ang naturang panukala noong nakaraang taon at opisyal na naging Republic Act No. 11953 o New Agrarian Emancipation Act.
Patuloy na itinutulak ng administrasyong Marcos ang modernisasyon ng agrikultura sa bansa upang matiyak ang seguridad sa pagkain at palakasin ang sektor na matagal nang itinuturing na gulugod ng ekonomiya.









