
Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Ehekutibo na paigtingin pa ang legal at diplomatic action laban sa China.
Sa Senate Resolution 85 na inihain ni Hontiveros, layunin nito na papanagutin ang Chinese government sa mapanirang aktibidad sa West Philippine Sea at mag-demand ng kabayaran mula sa pinsalang ginawa ng China.
Hinihimok ng senadora ang pamahalaan na idiin ang China sa pamamagitan ng international legal avenues at diplomatic channels upang mapigilan ang pagkasira ng marine ecosystem sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Inihain ng mambabatas ang resolusyon sa gitna na rin ng maritime incidents noong August 11 kung saan nagbanggaan ang dalawang barko ng China habang pilit na hinaharang ang Philippine Coast Guard sa kanilang humanitarian mission para sa mga mangingisda sa Scarborough Shoal.
Tinukoy pa ni Hontiveros na ang mga labag sa batas na aktibidad ng China ay umabot na sa P33 billion ang pinsala kada taon sa marine ecosystem sa WPS o kabuuang P396 billion mula noon pang 2013.
Idine-demand din ng Deputy Minority Leader ang reparations mula sa China na gagamitin naman para ma-restore at ma-rehabilitate ang pinsala sa ating marine ecosystem.









