
Hindi kumbinsido ang legal counsel ng mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs na unfit si dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa confirmation charges nito sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na kung pagbabatayan ang mga statement ni Kitty Duterte mula sa The Hague, The Netherlands ay maayos naman ang kalagayan ng kaniyang ama.
Naniniwala si Conti na ito ay malinaw na delaying tactics lamang.
Umaasa sila na ang pagpapaliban na ito ay panandalian lang dahil ‘factual consideration’ lang aniya ito.
Sa katunayan, pwede naman umanong ituloy ang confirmation of charges dahil hindi naman crucial ang attendance ng suspek sa September 23.
Pwede aniyang mag-waive ng appearance si Duterte kung masama ang pakiramdam nito o ayaw niyang personal na dumalo dahil hindi pa naman ito trial.
Dumalo rin kanina sa press conference ang kapamilya ng mga biktima ng war on drugs o mga miyembro ng Rise Up for Life and for Rights.
Ayon sa pamilya ng mga biktima, ilang taon na silang nag-aantay ng hustisya kaya nanawagan sila sa ICC na magtu-tuloy-tuloy ang hearing, huwag magpaloko at kailangan batay sa katotohanan ang desisyon.









