
Idudulog ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) kung ano ang pwedeng maging legal na aksyon para sa mga reklamong kinahaharap ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Kasunod ito ng pahayag ni Roque na hindi pa rin siya maaaring obligahin ng Pilipinas na magbalik bansa, kahit hindi siya kasama sa legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, lalo’t maituturing aniya siyang asylum seeker.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na sa kasalukuyan, hangga’t wala pang kaso kay Roque ay hindi pa ito maituturing na fugitive.
Hindi rin aniya mahihiling sa International Criminal Police Organization (Interpol) na magkaroon ng Red Notice, kaya’t mas magandang isangguni muna ito sa DOJ.
Muli namang nanawagan si Castro kay Roque na umuwi na lang ito ng bansa at harapin ang mga kinakaharap na asunto.