
Iginagalang ng Malacañang ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang isang probisyon sa 2024 national budget tungkol sa ₱60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Pero ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, hindi ibig sabihin na titigil na ang gobyerno sa paghanap ng legal na paraan para ipaglaban ito.
Rerepasuhin aniya ng Office of the Solicitor General ang desisyon at pag-aaralan kung hihingi ng reconsideration o iba pang legal na aksyon.
Giit ng Palasyo, sumunod lang ang Ehekutibo sa utos ng Kongreso sa ilalim ng 2024 budget.
Noong Setyembre, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik sa PhilHealth ang ₱60 bilyong natirang pondo para mapalakas ang serbisyo at dagdag-benepisyo para sa kalusugan ng mga Pilipino.
Isinama ng Kamara ang pagbabalik ng pondo sa kanilang panukalang budget at pinagtibay din ito ng Senado para masigurong tuloy-tuloy ang benepisyong pangkalusugan para sa taumbayan.









