Inihain ni Senator Leila de Lima ang Senate Resolution number 694 na gumigiit sa Malacañang na gamitin ang lahat ng legal at diplomatikong paraan para isulong ang ating sovereign rights sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ito ni De Lima, kasunod ng report ng Philippine Coast Guard (PCG) sa namataang 220 Chinese militia vessels sa bahagi ng Julian Felipe Reef.
Nakakaalarma para kay De Lima ang patuloy na nadadagdagang presensya ng Chinese militia vessels sa bahagi ng WPS na sakop ng ating teritoryo.
Sa tingin ni De Lima, ang kahinaan ng paggiit ng administrasyong Duterte sa ating sovereign rights ang dahilan kaya patuloy lang ang militarisasyon at iba pang unlawful actions ng China.
Diin ni De Lima ang pananahimik at pagiging malambot ng Pangulo ay nagpapahina sa ating territorial integrity para sa susunod na henerasyon.
Pinuna rin ni De Lima ang tila pagmaliit ng Malacañang sa sitwasyon makaraang ibida pa aniya ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang “close friendship” sa pagitan ng Pilipinas at China kaya bilang “friends and neighbors” ay pwedeng pag-usapan na lang ang isyu sa WPS.
Paalala ni De Lima, mandato ng estado na ipaglaban sa lahat ng pagkakataon ang ating soberenya para proteksyunan ang pambansang interes at seguridad at kapakanan ng buong bansa.