Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang lahat ng legal na opsyon kaugnay sa sinasabing reclamation sa Escoda Shoal.
Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, nakikipag-ugnayan ang DOJ sa Office of the Solicitor General (OSG) sa posibleng pagkakaso sa international tribunal.
Pagkatapos ng pag-uusap ng DOJ at OSG, isusumite naman ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Una nang nanawagan si dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na maghain ng legal na aksyon sa pagtatambak ng mga dinurog na coral na posibleng pagsisimula ng panibagong konstruksyon ng Chinese outpost malapit sa Recto Bank.
Inihahanda na rin daw ng DOJ ang environmental case laban sa China matapos ang nadiskubreng pagkasira ng mga bahura noong nakaraang taon.
Pinabulaanan naman ng Beijing ang mga alegasyon at sinisi pa ang Pilipinas na gumagawa umano ng mga iresponsableng pahayag.