Nagpulong kahapon ang mga abogado ng Malacañang kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra na ibinahagi nila sa pangulo ang kanilang mga legal na option kaugnay sa kasong kinahaharap ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Bukod kay Guevarra, kasama sa ginanap na pulong sina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Executive Secretary Victor Rodriguez, Justice Secretary Jesus Remulla, at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Maging si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ay kasama sa pulong bilang private counsel.
Sinabi ni SolGen. Guevarra, mayroon nang napagkasunduan sa naganap na pulong.
Pero tumanggi muna nitong ihayag ang kanilang napagkaisahan lalo na at hindi pa ito ang panahon para isapubliko ang ganitong mga impormasyon.
Matatandaang sa order na ipinadala ng ICC sa Pilipinas, hinihikayat nito ang gobyerno na magsumite ng observation kaugnay sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng ICC sa war on drugs campaign ng dating Duterte administration.