Legal terms sa child rape cases, binago ng Supreme Court

Nilinaw ng Korte Suprema ang tamang mga terminong ginagamit sa mga kasong may kinalaman sa panghahalay sa menor de edad.

Batay sa bagong patakaran, maituturing na “qualified rape of a minor” kapag ang biktima ay menor de edad at may isa sa sampung espesyal na bigat na kondisyon sa ilalim ng Article 266-B ng Revised Penal Code gaya ng relasyon sa suspek, pang-aabuso ng awtoridad, o kahinaan ng biktima.

Ibig sabihin, hindi na gagamitin ang “qualified statutory rape” dahil nagdulot ito ng kalituhan noon sa mga korte.

Pinalawak din ng Korte Suprema ang saklaw ng “qualified rape of a minor” at tinaasan ang minimum na danyos na dapat ibigay sa mga biktima.

Sa ilalim nito, ₱100,000 ang babayarang civil indemnity, ₱100,000 para sa moral damages, at ₱100,000 exemplary damages.

Sabi ng SC, ang statutory rape ay kapag mas bata ang biktima sa itinakdang edad na 16 taon.

Layunin ng desisyong ito na gawing malinaw at pare-pareho ang paggamit ng mga termino, at matiyak na mas mabigat ang parusa at mas mataas ang danyos para sa mga biktimang menor de edad.

Nilinaw ito ng SC sa resolusyong isinulat ni retired Associate Justice Mario Lopez kung saan ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ng lalaking hinatulan ng panghahalay sa kaniyang sariling anak na nasa walong taong gulang.

Una siyang hinatulan ng korte ng qualified rape at kalaunan ay binago ng Court of Appeals ang naging krimen at ginawang qualified statutory rape.

Pero sabi ng SC, maituturing itong qualified rape of a minor.

Facebook Comments