Kinuwestiyon ng Makabayan bloc ng Kongreso at iba’t ibang mga samahan ang legalidad ng P125 – milyong confidential at intelligence funds ni Vice President (VP) Sara Duterte-Carpio.
Sa kanilang petisyon, umaasa ang petitioners na pagpapaliwanagin ng Supreme Court si VP Duterte at sasagutin ng pangalawang pangulo ang mga katanungan hingil sa kung saan ginastos ang pondo.
Kabilang sa tumatayong petitioners sina Act Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, Kabataan Party-list Rep . Raoul Danniel Manuel, Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, dating Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at iba pa.
Kabilang naman sa mga respondents sa petisyon sina Executive Sec. Lucas Bersamin na kumakatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., VP Sara Duterte- Carpio, Budget Sec. Amenah Pangandaman at Commission on Audit Chairperson Gamaliel Cordoba.
Ayon kay Act Teachers Party-list Rep. France Castro, kanilang ipinadedeklara sa Korte Suprema na null and void ang pag-release, pagtanggap at paggasta sa P125-M confidential funds ng bise presidente.
Sakali naman anilang mapatunayan na ito ay labag sa saligang batas ay dapat ibalik ni VP Sara ang naturang pondo.