Legalidad ng paglikha ng social media office sa ilalim ng PCOO, kinuwestyon sa budget hearing ng Senado

Kinuwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang legalidad ng paglikha ng social media sa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa pamamagitan lang ng isang department order.

Sa pagtalakay ng Senate Finance Subcommittee ay iginiit ni Drilon na maaari lamang bumuo ng isang tanggapan sa pamamagitan ng batas o sa bisa ng isang administrative code.

Paliwanag naman ni PCOO Undersecretary Kris Ablan, 2017 pa nilikha ang nabanggit na tanggapan na internal lang sa PCOO at pinangangasiwaan lang ng isang assistant secretary.


Sabi ni Ablan, pinalitan na ito ngayon ng Office of the Undersecretary for New Media.

Pero giit ni Drilon, ang paglikha ng isang opisina ay hindi maaring internal lang sa isang departamento dahil ginagastusan ito ng pera ng taumbayan.

Bukod dito ay kinuwestyon din ni Drilon ang 1,000-percent increase ng mga coterminous staff sa PCOO o dagdag na mahigit 80 mula sa walo lang ng magsimula ang Duterte administration.

Sagot naman ni Ablan, ang 83 ay support staff sa tanggapan ng secretary at mga undersecretaries at assistant secretaries, habang ang 35 naman ay nakatalaga sa bagong Freedom of Information Project Management Office.

Sabi naman ni Communications Secretary Martin Andanar, sa mga nakaraang administrasyon, bukod sa PCOO ay mayroon ding Presidential Communications Development and Strategic Planning Office.

Ayon kay Andanar, pinagsanib na nila ang nabanggit na mga tanggapan kaya tumaas ang bilang ng mga staff.

Facebook Comments