Manila, Philippines – Pag-aaralan ng mga senador ang legalidad ng pagsuspinde sa barangay elections na nakatakda ngayong Oktubre para bigyang daan ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na spya na lang ang magtatalaga ng mga barangay officials.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, siyam silang senador na nagpulong kagabi hinggil dito pero wala pa silang pinal na hakbang na nabuo.
Hindi na idinetalye ni Pimentel ang naging takbo ng nabanggit na pulong pero nagpasya silang kausapin muna si Pangulong Duterte upang tanungin kung ano ang gusto nito.
Binigyang diin ni Pimentel na kanilang titiyakin na hindi lalabag sa Saligang Batas ang postponement ng barangay elections at pagtatalaga ni Pangulong Duterte ng barangay officials.
Maliban dito ay plano din munang kausapin ni Senator Pimentel si Interior and Local Government Secretary Mike Sueno para kumuha pa ng dagdag na detalye hinggil sa nabanggit na panukala.