LEGASIYA NG MGA PULIS NA NAG-ALAY NG BUHAY SA SERBISYO, GINUNITA NG DAGUPAN PNP

Ginunita ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang legasiya at sakripisyo ng mga pulis na nagbuwis ng buhay sa pagtupad ng tungkulin sa pagdiriwang ng International Day of Remembrance for Fallen Police Officers, bilang pagpupugay sa kanilang kabayanihan at walang kapantay na serbisyo sa bayan.
Sa isinagawang seremonya sa pangunguna ng DCPO, inalala ang mga kasamahan sa hanay ng kapulisan na nasawi habang ginagampanan ang sinumpaang tungkulin.
Binigyang-diin na ang uniporme ng pulis ay hindi lamang tanda ng awtoridad kundi simbolo ng tiwala ng mamamayan at paalala ng mabigat na responsibilidad na kaakibat ng serbisyo publiko.
Ayon sa pamunuan ng Dagupan PNP, layon ng paggunita na matiyak na mananatiling buhay sa alaala ng kapulisan at ng komunidad ang kabayanihan ng mga fallen police officers.
Ang kanilang katapangan at sakripisyo ang patuloy na nagsisilbing inspirasyon at pundasyon ng tinaguriang “Thin Blue Line” na nagbabantay sa kaayusan at kapayapaan ng lungsod.
Bilang pagpapatuloy sa adhikain ng mga yumaong kasamahan, muling tiniyak ng DCPO ang kanilang paninindigan na maghatid ng tapat, episyente, at makataong serbisyo, at patuloy na magsikap para sa isang mas ligtas at mas maayos na Dagupan City. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments