Nakipagpulong ang ilang mga senador at kongresista kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kahapon kung saan kanilang tinalakay ang legislative agenda o mga panukalang batas na kailangang iprayoridad ng papasok na 19th Congress.
Kasama sa pulong sina Senators Nancy Binay, Ronald dela Rosa, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Lito Lapid, Loren Legarda, Ralph Recto, Ramon ‘Bong’ Revilla, Raffy Tulfo at pinangunahan sila ni Senate Majority Leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri.
Ang contingent naman ng Kamara ay pinangunahan ni House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez.
Naunang binanggit ni Zubiri na inatasan sila ni incoming President Marcos na ilatag na agad ang legislative agenda para sa kanyang unang state of the nation address o SONA.
Diin ni Zubiri, napakasipag ng ating bagong pangulo at gusto nito ng aksyon agad.
Nangako naman si Zubiri na gagawin nilang mga mababatas ang lahat para umangat ang buhay ng bawat Pilipino.