Hindi nag-iingay ang mga sumusuporta at naniniwala kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa lalawigan ng Ilocos Norte upang malaya silang makahalubilo sa ibang kampo at makapag-convert ng mga botanteng hindi pa pinal ang desisyon kung sino ang iboboto.
Ito ay bunga na rin ng umiiral na sitwasyon na kapag nalaman ng ibang kampo na sila ay solidong tagasuporta ni Lacson ay hindi na umano sila pinapansin.
“Hindi nila ma-express e. Because if you express na ano (ka) talaga (Lacson supporter), and someone or somebody knows it na ganoon, itsapuwera ka na,” lahad ng isang kandidato sa Ilocos Norte na humiling na itago ang kanyang pangalan.
Aniya, tuwing ikinakampanya niya si Lacson sa kanilang mga barangay official at mga botante sa kanilang bayan ay marami umano ang sumasang-ayon sa pangunahing plataporma ng presidential candidate na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).
Sa ilalim ng matagal nang iminumungkahi ni Lacson na programang BRAVE, magkakaroon ng dagdag na pondo ang mga local government unit hanggang sa barangay level para sila mismo ang magplano at magpatupad ng kanilang mga proyektong pangkabuhayan at pangkaunlaran.
“Kung ‘yung mga tao sa barangay ang gagawa, mabibigyan na ng trabaho ‘yung kabarangayan niya, meron na silang pagkukunan ng suweldo sa pang-araw-araw para sa pamilya, tapos ‘yung gagawin nilang proyekto mas matibay. Sabi ko, bakit? Kasi hindi namin nanakawin ‘yung pondo,” kuwento ng Ilocos Norte candidate.
Umaasa ang nasabing kandidato na sa nalalabing panahon, bago ang araw ng pambansa at lokal na halalan sa Mayo 9, ay magkaroon ng pagbabago sa isipan ng mga botante. “‘Yon nga sana, ipinagdarasal ko that there will be a turn (of the) tide,” aniya pa.
Ito ay sa harap ng mga hamon na sa kabila ng pagiging pinaka-kwalipikado ni Lacson at magaganda niyang plano para sa bansa, ay ang ibang kandidato pa rin na kulang sa kwalipikasyon ang pinupuntirya ng ilang botante sa mga kadahilanang hindi naman malinaw.
Gamit na batayan ang katangian ni Lacson, pursigido ang kandidato na ipagpatuloy pa ang kanilang tahimik na panunungkit ng mga boto sa mga nalalabing araw ng kampanya, dahil sa kanyang lalawigan ay napakarami umanong talagang wala pang sariling desisyon bagkus ay nadadala lamang sa udyok at panrarahuyo ng mga pulitikong masama ang hangarin kapag nakapuwesto na. ###