Para kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang mga leksyong inihatid ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda ay patuloy na gumagabay sa buong bansa para magkaisa, magdamayan at lampasan ang pagsubok na dulot ng kalamidad.
Pahayag ito ni Romualdez, kasabay ng 9 na taong paggunita ngayong araw sa hagupit ng Bagyong Yolanda noong 2013 na sumentro sa Eastern Visayas.
Kaugnay nito ay nag-alay ng panalangin si Romualdez para sa mga pumanaw dahil sa Yolanda at pagsaludo naman sa mga matatapang na agad na rumesponde at tumulong sa kapwa kahit nalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Ayon kay Romualdez, mahirap kalimutan ang malagim na karanasan sa Yolanda na syang bumubuhay sa pagdadamayan ng mga Pilipino tuwing may nangangailangan tulad sa panahon ng trahedya.
Pangunahing inihalimbawa ni Romualdez ang matagumpay na paglikom ng Mababang Kapulungan ng P75-M cash at in-kind donations mula sa mga kongresista at private donors para sa pamilyang naapektohan ng nagdaang Bagyong Paeng.
Binanggit din ni Romualdez ang kahanga-hangang 5 rescue workers sa Bulacan na nagbuwis ng buhay sa ngalan ng tungkulin na kinilala ng Kamara sa pamamagitan ng isang resolusyon na nagpupugay sa kanilang kabayanihan.