
Mahigpit ang babala ng isang eksperto laban sa leptospirosis infection sa gitna ng pagtaas ng kaso nito sa Metro Manila dahil sa naranasang pagbaha.
Sa panayam ng DZXL – RMN Manila, ipinaliwanag ni Dr. Eleonor Bengco-Tan, consultant ng Department of Family and Community Medicine ng UP-PGH, na madali namang gamutin ang naturang sakit kung ito ay maagapan.
Dagdag pa ni Dr. Bengco-Tan, hindi lamang ito nakukuha sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga kundi maging sa dumi rin ng ibang hayop.
Ipinaliwanag pa ng doktor na maaari itong makuha kahit walang sugat basta nababad sa kontaminadong tubig dahil ang bacteria ay mabilis na pumapasok sa balat ng tao at agad na puntirya ang kidney at liver.
Payo pa ng doktor, kapag hindi maiwasan at palaging lumulusong sa baha, kailangang bantayan ang mga sintomas.
Kaya naman payo ni Dr. Bengco-Tan na hindi masama na maging medyo “OA” o tamang duda at huwag nang hintayin na lumala ang sakit bago magpunta sa ospital.
Paglilinaw pa niya, hindi naman nakahahawa ang nasabing sakit pero maaari itong maulit sa isang tao lalot madalas na exposed sa bacteria.
Samantala, hindi na rin nagtaka ang doktor kung bakit tumataas din ang dengue cases dahil kalimitang tumataas ang kaso nito kapag panahon ng tag-ulan.









